
Pinalagan ni Reelected Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang inilabas na advisory ng Amerika kung saan pinapayuhan ang mamamayan nito na huwag bumiyahe sa Pilipinas.
Nakasaad sa US State Department travel advisory na delikado para sa kaligtasan ng mamamayan nito na magpunta sa Pilipinas dahil sa mga krimen, terorismo, civil unrest, at kidnapping.
Giit ni Rodriguez, unfair ito at hindi dapat ginagawa sa atin ng Estados Unidos bilang numero-uno nating kaalyado lalo’t maraming lugar sa Pilipinas ang ligtas puntahan ng mga turista.
Bunsod nito ay nanawagan si Rodriguez sa Department of Foreign Affairs (DFA) na ipatawag at pagpaliwanagin hinggil dito si US Ambassador MaryKay Carlson.
Hinikayat din ni Rodriguez si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na alamin sa DFA, gayundin kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez at sa Department of Tourism (DOT) kung ano ang kanilang naging aksyon simula ng ilabas ng US State Department ang naturang warning noong May 8.









