Maglalaan ng $500 million na foreign military financing ang Estados Unidos para sa Pilipinas.
Ito ang inanunsyo nina United States Defense Secretary Lloyd Austin at United States Secretary of State Antony Blinken sa pulong balitaan sa katatapos lang na 2 plus 2 (2+2) Ministerial Consultations sa Camp Aguinaldo.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Blinken na inilaan nila ang military aid sa Pilipinas para sa modernization ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Blinken, ang tulong ng US ay pagpapakita ng mas malalim na security cooperation ng Pilipinas at US.
Kasunod nito, tiniyak ni Blinken ang commitment ng US na ipagtanggol ang Pilipinas sa anumang mga posibleng pag-atake.
Sa kaniyang panig, sinabi naman ni Austin na ang suporta ng US sa AFP modernization ay bunga ng kanilang pakikipagtulungan sa US Congress.
Sinabi ni Austin na nais nilang doblehin ang kanilang investment para sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa bansa.
Katumbas ang 500 million US Dollars ng ₱29.3 billion.
Nagpasalamat naman si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa makasaysayang 2 plus 2 Ministerial Consultation at sa tulong ng US para sa Pilipinas.
Ayon kay Teodoro, ang investment ng US ay hindi lang makatutulong sa kakahayang pangdepensa ng bansa kundi maging malaking tulong din sa EDCA pagdating sa humanitarian assistance disaster relief operations sa bansa.