
Nanatiling buo ang tiwala ng US-based infrastructure investor na I Squared Capital sa Pilipinas, sa kabila ng mga kontrobersiyang bumabalot sa ilang flood control projects ng pamahalaan.
Sa courtesy call kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang, pinuri ng I Squared founder at chairman na si Dr. Sadek Wahba ang mga repormang ipinatupad ng administrasyon na aniya’y lalong nagpapatatag sa investment climate ng bansa.
Ayon kay Wahba, nananatiling kaakit-akit ang Pilipinas para sa long-term infrastructure growth.
Nangako rin siyang patuloy na maglalagak ng puhunan sa bansa, kabilang ang pagpapalawak ng Royal Cold Storage facility sa Bulacan.
Tinatayang umabot na sa USD 2 bilyon ang kabuuang puhunan ng I Squared Capital sa Pilipinas — na sumasaklaw sa mga sektor ng enerhiya, logistics, at transportasyon.
Isa ang I Squared Capital sa pinakamalalaking dayuhang mamumuhunan sa bansa, at patuloy nitong nakikita ang Pilipinas bilang matatag na partner sa pag-unlad ng imprastraktura.









