Itinuturing ng Estados Unidos ang Pilipinas bilang “inferior” o “mababa ang tingin.”
Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na masusi niyang pinag-aaralan ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahil sa napapansin niya na tinatrato umano ng mga Amerikano ang Pilipinas bilang “early warning detachment.”
Sinabi rin niya ito noon sa pag-uusap nila ni dating US President Donald Trump nang imbitahan siyang bumisita sa US.
“President Trump invited me several times but I said for as long as you treat us like a something like inferior, ginagawa ninyo lang kami detachment ninyo, you’re making the Philippines a sort of early warning device detachment bago mag-abot ng Amerika, I said this could not happen during my time,” sabi ni Pangulong Duterte.
Matatandaang nais ni Pangulong Duterte na ibasura ang military agreement dahil sa mga hindi patas na probisyon at panghihimasok ng US, pero ipinagpaliban niya ito sa harap ng pandemya.
Ang VFA ay nilagdaan noong 1998 para payagan bigyan ng guidelines ang mga sundalong Amerikanong bibisita sa Pilipinas at pinagtitibay nito ang 1951 Mutual Defense Treaty at ang 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagpapahintulot sa pagsasagawa ng joint military exercises.