US, nag-deploy ng mid-range ballistic missile sa Pilipinas

Dumating na sa hindi tinukoy na lokasyon sa Northern Luzon ang Mid-Range Capability Missile System (MRCS) ng US forces na gagamitin sa exercise Salaknib 24 kasama ang Philippine Army.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nag-deploy sa bansa ng MRCS na may kakayanang maglunsad ng standard missile 6 at tomahawk land attack missiles sa Luzon strait.

Pagkatapos ng Salaknib 24, ipamamalas naman sa gaganaping Balikatan exercise sa susunod na linggo ang SM6 missile system na kayang umabot hanggang 500 kilometro, mas malayo sa 370 kilometers na pagitan ng northernmost point ng Pilipinas at ng Southern Taiwan.


Pero paglilinaw ni Balikatan 2024 Executive Agent Col. Michael Logico, hindi naman papuputukin ang SM6 sa halip ay sinusubukan lamang nila kung posible itong maibiyahe by air at ang ligtas na pagbababa nito sa isang lugar.

Una nang inamin ni Logico na ang pagsasanay ng Pilipinas at US ngayong taon ay paghahanda rin sa posibleng giyera sa pagitan ng China at Taiwan.

Binatikos naman ng China ang paged-deploy ng US ng mga nasabing weapon system sa Pilipinas na anila’y magpapalala lamang ng tensyon sa Asia Pacific.

Facebook Comments