Kinumpirma ng US Embassy ang pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos kasunod na rin ng panibagong pangha-harass na ginawa ng bansang China sa mga tropa ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon sa embahada ng Estados Unidos, mananatiling matatag ang ugnayan nito sa Pilipinas lalo na sa ganitong mga pagkakataon.
Sinabi ng embahada na nangyari ang pag-uusap sa pagitan mismo nina Defense Sec. Gilberto teodoro at US Defense Sec. Lloyd Austin.
Sa pag-uusap ng dalawa, nangako umano ang US na dodoblehin nito ang suportang ibinibigay sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga bilateral training, interoperability, at maging sa suporta nito sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Maliban dito ay tiniyak din ng embahada ang magpapatuloy na tulong sa iba pang sektor, kasama na ang mga nagiging epekto ng mga kalamidad sa buong bansa.