
Kinumpirma ng ilang US military officials na nagsagawa sila ng test firing ng Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System or NMESIS sa nakalipas na Balikatan Exercise.
Ayon kay US Navy Admiral Stephen Koehler, commander ng US Pacific Fleet, tampok sa naturang joint military exercise sa pagitan ng mga pwersa ng Pilipinas at Amerika ang paggamit ng mga makabagong kakayahan at kagamitan, partikular sa West Philippine Sea at Luzon Strait.
Sinabi pa ni Koehler na maliban sa NMESIS missiles, ginamit din ang amphibious vehicles at HIMARS [High Mobility Artillery Rocket System], nagsanay gamit ang mga unmanned system, at nagsagawa din ng full battle tests.
Samantala, sinabi naman ni Capt. John Percie Alcos, tagapagsalita ng Philippine Navy, noong nakaraang buwan na mananatili sa bansa ang NMESIS hangga’t may training opportunities para sa Philippine Marine Corps.
Nilinaw rin ni Alcos na ang deployment ng NMESIS ay hindi dapat ituring na banta sa Tsina, kundi bilang deterrent sa sinumang magsasagawa ng illegal, coercive, aggressive at deceptive actions laban sa Pilipinas.
Ang NMESIS ay isang highly-mobile coastal anti-ship missile system na kayang patamaan ang mga target na sasakyang-pandagat mula sa lupa.
Nabatid na nitong nagdaang Balikatan exercise ginamit ito para sa maritime key terrain security operations (MKTSO) sa Batanes mula April 26 hanggang May 4, 2025.
Matatandang mariing tinutulan ng China ang presensya ng NMESIS at ng Mid-Range Capability (MRC) Typhon missile system ng US Army sa Pilipinas.









