Opisyal nang isinama ng pamahalaan ang Estados Unidos sa listahan ng mga bansang sakop ng travel restrictions sa harap ng paglitaw ng bagong variant ng Coronavirus Disease.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Department of Health (DOH) at ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pagbawalang makapasok sa bansa ang mga dayuhang manggagaling sa US.
Layunin nitong hindi makalusot sa Pilipinas ang bagong COVID-19 variant, na unang nadiskubre sa United Kingdom.
Ang mga banyagang pasahero na manggagaling sa US o ang mga nagmula sa US sa loob ng 14 na araw bago ang kanilang pagdating sa Pilipinas ay pagbabawalang pumasok sa bansa simula bukas, January 3, alas-12:01 ng madaling araw hanggang January 15.
Ang mga darating sa Pilipinas bago ang alas-12:01 ng madaling araw ng January 3 ay papayagang pumasok sa Pilipinas pero sasailalim ang mga ito sa absolute, facility-based 14-day quarantine period, kahit mayroon silang negatibong RT-PCR test result.
Ang mga Pilipinong magmumula sa US ay papayagang makapasok sa bansa pero kailangan ding sumailalim sa mandatory 14-day quarantine.
Una nang inilagay ng pamahalaan sa travel restrictions ang mga pasaherong manggagaling sa UK at 19 na bansa.