Inihain ng Makabayan sa Kamara ang resolusyon na nagpapabasura sa mga kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa House Resolution 18 at 20 na inihain nila Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel ay pinakikilos ang Kamara na tuluyang ipawalang-bisa at ibasura na ang Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Tinukoy sa resolusyon na ang mga nabanggit na kasunduan ay naging daan sa hindi makontrol na operasyon ng US military at iba’t ibang pang-aabuso sa bansa.
Iginiit pa ng mga kongresista na puro panlalamang at hindi pagkakaibigan ang nilalaman ng VFA at EDCA at gagamitin lamang ang mga kasunduan para mapagtakpan ang mas malalaking deployment ng US military troops at assets sa bansa.
Bukod dito ay naghain din ang Makabayan ng House Resolution 19 na nagpapaimbestiga naman sa deployment at operations ng US drones sa Pilipinas.
Mababatid na noong Abril ay nagsagawa ang Estados Unidos at Pilipinas ng pinakamalaking Balikatan exercises na nilahukan ng halos 9,000 na mga sundalong Pilipino at Amerikano.