Manila, Philippines – Hiniling ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na humingi ng paumanhin si US President Donald Trump sa bansa bunsod na rin ng pagdalo nito sa ASEAN Summit and related meetings sa susunod na linggo.
Sinabi ni Zarate na dapat humingi ng patawad si Trump sa mga Pilipino dahil sa idinulot na gulo ng Amerika sa Pilipinas mula noon at ang paggamit sa bansa hanggang sa kasalukuyan.
Inirekomenda din ni Zarate ang agad na pagpapasa ng Kamara sa House Resolution 412 para igiit sa Amerika na ibalik na ang dalawa sa Balanginga Bells sa bansa matapos na kuhain ito ng mga sundalong kano noong Philippine-American war.
Hinimok din ni Zarate ang pagpapasa sa iba pang resolusyon at panukala na may kinalaman sa paggiit ng ating kalayaan at kapangyarihan laban sa anumang panghihimasok ng mga dayuhan.
Kanina ay sinimulan na ng Bayan Muna ang lightning rally sa harap ng Trump Tower sa Makati City kung saan nais ipa-ban sa pagdating sa bansa ang Pangulo ng Amerika.