Susuporta ang Amerika sa Pilipinas sa usapin ng depensa sakaling magkaroon ng banta sa pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz Angeles na walang kwestyon sa usaping depensa sapagkat kinikilala ng Estados Unidos na mayroong treaty agreements ang dalawang bansa o ang mutual defense treaty.
Ayon pa sa kalihim, ang pagkilala pa lamang dito ng Estados Unidos ay isang malaking bagay na.
Nais pa rin naman aniya ni US President Joe Biden na matalakay pa nang mahaba at malawak ang isyu ng South China Sea at maayos ito sa mapayapang paraan.
Binanggit din aniya ni President Biden sa pagkikita nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pag-uusapan nila ang seguridad sa rehiyon.
Samantala, sa naging pag-uusap naman nina Pangulong Marcos at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa sidelines din ng United Nations General Assembly, sinabi ni Angeles na nasa sentro ng agenda ang maritime law, maritime security at kapayapaan sa rehiyon.
Hindi naman aniya nabanggit kung naimbitahan ni Prime Minister Kishida si Pangulong Marcos na bumisita sa Japan.