Iniimbitahan ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang US senator na nanawagang palayain si Sen. Leila De Lima na magpadala ng legal staff nito sa Pilipinas.
Si US Senator Patrick Leahy ay isa dalawang senador na nagsulong ng probisyon sa 2020 US national budget kung saan ipinagbabawalang makapasok ng Estados Unidos ang mga opisyal ng Philippine Government na dawit sa pagkakakulong kay Sen. Leila de Lima.
Ayon sa Guevarra – handa nilang ipakita sa legal staff ni Leahy ang mga ebidensya iprinisinta sa korte laban kay De Lima.
Papahintulutan nila ang mga ito na silipin ang mga record, transcript ng mga kaso at panoorin ang mga pagdinig upang maliwanagan ang US senator.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi papasukin sa bansa si Leahy at kapwa senador na si Richard Durbin at oobligahin ang lahat ng mga Amerikano na kumuha ng visa bago makapasok ng bansa.