Katulad sa inaprubahang panukalang batas ng US Senate na naglalayong alisin sa US Securities Exchanges ang ilang Chinese companies na hindi tiyak kung suportado ng foreign-state, tinututulan din ng ilang mga Senador ang pagpasok at pag-operate sa Pilipinas ng ChinaTel.
Nabatid na inirekomenda ng US Federal Communications Commission na i-ban sa Estados Unidos ang China Telecom Americas, China Unicom Americas, Pacific Networks at ComNet.
Dahil na rin ito sa posibilidad na kontrolin, manipulahin at samantalahin ng China ang US sa pamamagitan ng pagpasok sa telecommunications industry kung saan maaaring manganib ang kanilang data privacy, resources at mahulog sa patibong at mabaon sa utang.
Suportado naman ng US Department of Defense, Justice, Commerce, Homeland Security and State at US Trade Representatives ang hakbang na ito ng FCC.
Bunsod nito, nagbabala ang mga Senador sa pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa China kung saan unti-unti nang pinanghihimasukan nito ang ating teritoryo, mga resources at industriya.
Ayon kay Senator Francis Pangilinan, may mandato ang ChinaTel na lumikom ng intelligence information at ipadala sa China sa ilalim na rin ng kanilang National Intelligence Law of 2017 at Espionage Law of 2014.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Public Service, kinuwestyon naman ni Senator Grace Poe ang nais na pagkontrol ng ChinaTel sa internet traffic ng bansa na maaaring pagkuhaan ng mga impormasyon na posibleng magamit ng kanilang gobyerno.
Na-obserbahan ni dating Senador Francis Escudero na batay na rin sa inilatag na isyu ng Public Company Auditing Oversight Board (PCAOB) na siyang naging dahilan ng US para alisin ang mga kumpanyang pinapatakbo ng China, posibleng ang interes ng Dito Telecommunity ay mailipat sa ChinaTel ang pag-kontrol sa bansa sa pamamagitan ng pagpapahiram ng salapi.
Ayon kay Escudero, kapag nangyari ito ay mawawala na ang 60-40 rule sa foreign ownership dahil maaaring ibigay ang proxy votes sa creditors o nagpautang, kung saan sa ating kaso, ito ay ang ChinaTel na mariing tinututulan ng Kongreso.
Ang problemang nakita ng US PCAOB tulad ng kawalan ng accountability at transparency ay posibleng lumala, depende sa paghawak ng China State-owned company tulad ng ChinaTel sa kanilang operations at financial records sa Securities and Exchange Commission at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Kinakailangang pag-aralang mabuti ng Philippine Stock Exchange ang 40% stake ng Dito Telecommunity at joint venture na nakarehistro bilang “ISM: PM”.
Bagama’t pinapayagan ang joint venture sa bansa, dapat pa ring umiral at masunod ang mga regulasyon ng gobyerno, corporate standards at good governance, maging ang pagtitiyak sa seguridad at soberenya ng Pilipinas.