US Senate staff, binisita si dating Sen. De Lima sa Camp Crame

Dinalaw ng US Senate team si dating Senadora Leila de Lima sa kaniyang piitan sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center.

Kabilang sa mga personal na bumisita sa detenidong senadora si Chris Homan, Senior Adviser on National Security, Foreign Policy of US Democrat Senator Dick Durbin kasama ang ilang kawani ng US Embassy kaninang umaga makaraang pahintulutan ito ng korte.

Mainit namang tinanggap ang US team sa Chief, PNP Lounge at pagkaraan nito sila ay nagtungo sa PNP Grandstand para sa briefing and documentation gayundin para sa frisking at pag-turn over ng kanilang personal na kagamitan bago tuluyang pinapasok sa selda ni De Lima.


Agad din silang pinulong ni PLt. Col. Larry Gabion, pinuno ng Custodial Center hinggil sa security adjustments na ipinatupad sa selda ng senadora matapos itong ma-hostage noong Oktubre ng mga nagtangkang pumuslit na Abu Sayyaf Group (ASG) members.

Ipinaalam din sa mga ito na desisyon ng senadora na manatili sa PNP Custodial Facility kahit pa si mismong Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ang nasabing maaari itong lumipat ng detention facility.

Ipinabatid din kay Mr. Homan na regular na sinusuri ng PNP doctors ang health condition ni De Lima.

Nabatid na wala pang isang oras nang tumaggal ang nasabing pagbisita ng US Senate team kay De lima.

Facebook Comments