Malugod na tinanggap ng Department of Education (DepEd) ang donasyong digital device mula sa United States Agency for International Development (USAID) Philippines bilang bahagi ng pagpapaigting sa kalidad ng edukasyon sa bansa.
Pinangunahan nina Usec. Jose Gaviola, Assistant Secretary Ruby Torio at kinatawan ng Bureau of Learning Delivery ang hand-over ceremony ng Microsoft Surface Hubs sa DepEd Central Office.
Ito ay may kakayahan na mag-integrate ng multi-platform system, mirror screen para sa remote learning at idinisenyo para sa iba’t ibang aktibidad na makatutulong sa mga guro at estudyante.
Pinasalamatan ni Gaviola ang USAID para sa ipinagkaloob na kombinasyon ng hardware at software units lalo’t makatutulong ito sa patuloy na pagpapaunlad ng edukasyon.
Tiniyak naman ng USAID na patuloy itong makikipagtulungan sa DepEd sa iba’t ibang proyekto upang makakuha ng dekalidad na edukasyon ang mga Pilipino.