Usapang Pangkapayapaan, Isinusulong ni PBGen. Casimiro!

Cauayan City, Isabela- Isinusulong ni P/BGen. Angelito Casimiro, Regional Director ng PRO2 ang local peace talks o usapang pangkapayapaan sa Lambak ng Cagayan.

Sa kanyang pag-ikot at pagbisita sa mga police provincial office ay kanyang isinusulong ang usaping pangkapayapaan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanyang kapulisan upang makabalangkas ng bagong estratehiya.

Kung saan ay ilalatag ang mga plataporma at programang pangkapayapaan sa mga konsernadong ahensya at sa mga rebelde sa rehiyon.


Matandaan na sa kanyang pag-upo at pagkatalaga bilang Acting Regional Director ng Police Regional Office 02 o PR02 ay sinalubong siya ng malagim na engkwentro sa hanay ng 205th Maneuver Company sa bayan ng San Guillermo, Isabela na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng tatlong pulis dahil sa pakikipagsagupa sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Dahil dito, hinikayat niya ang mga rebelde na magbalik loob na sa pamahalaan upang maiwasan ang engkwentro dahil mahirap aniya ang mawalan ng mahal sa buhay.

Ayon pa kay P/BGen.Casimiro, masakit sa kanyang kalooban na malagasan ang kanyang tauhan at ganun din sa mga makakaliwang grupo dahil parehas lamang aniya na kapwa Pilipino.

Hangad din niyang paglingkuran ang kanyang mga kababayan sa Lambak ng Cagayan at ipalaganap ang kapayapaan habang siya ang tumatayong ama ng kapulisan sa rehiyon dos.

Facebook Comments