Manila, Philippines – Kokonsultahin muna ng gobyerno ang kongreso at iba pang stakeholders sa posibleng lalamanin ng final peace agreement na lagdaan kasama ang mga rebeldeng komunista.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, na siya ring chairman ng government peace negotiating panel, ito ay kasunod ng paglagda ng isang “stand-down” agreement sa pagitan ng dalawang panig.
Aniya, nakagawa na sila ng final draft sa isang interim peace agreement.
Maliban rito, mayroon rin aniyang pinag-uusapang Comprehensive Agreement on Social Economic Reforms (CASER) na kasama sa component ng interim peace agreement.
Pero iginiit ng kalihim, hindi lalagdaan ng gobyerno ang interim peace agreement hanggang at hindi nalalaman ang posisyon ng mga mambabatas at iba pang stakeholders.
Ito aniya ang posibleng dahilan kung bakit kinansela ni Pangulong Rodrigo Duterte ang scheduled resumption ng peace talks sa Hunyo 28.