Manila, Philippines – Nagpahayag umano ng interes si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDFP.
Kasunod ito ng pakikipag-usap ng Pangulo sa mga opisyal ng Royal Norwegian Government at kay Bayan Muna Representative Carlos Zarate.
Kanina, nilagdaan ng 60 kongresista ang house resolution 1803 para hikayatin ang Pangulo na ituloy ang usapang pangkapayapaan sa komunistang grupo.
Ayon kay Zarate, nagpunta pa sa Davao City ang mga opisyal ng Royal Norwegian Government para makausap si Pangulong Duterte.
Bagama’t nagpahayag ng pagiging bukas na ituloy ang peace talks, sinabi ng Pangulo na kailangan niya munang komunsulta sa kaniyang security officials.
Dagdag pa ni Zarate, maging ang NDFP ay nananatiling bukas sa peace talks sa kabila ng naging palitan nila ng maaanghang na salita ng Pangulo.
November 23, 2017 nang ipatigil ni Duterte ang peace talks, dalawang araw bago ang ika-limang round ng negosasyon sa Oslo, Norway.
Noong Lunes, matatandaang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na walang dahilan para ituloy pa ang negosasyon.