Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na hindi pa isinasara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pintuan patungo sa kapayapaan sa Communist Party of the Philippines, New People’s army, National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, tinalakay sa naganap na joint command conference ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kagabi sa Malacañang ay binigyang diin ni Pangulong Duterte na bukas parin ang pintuan para sa peace talks.
Pero nandoon pa rin naman aniya ang kondisyon ni Pangulong Duterte na dapat makamit ng rebeldeng grupo upang magpatuloy ang usapang pangkapayapaan.
Ang mga kondisyon aniya ay sa pilipinas gawin ang peace talks, hindi maniningil ng revolutionary tax ang NPA, hindi dapat magkaroon ng anomang engkwentro, dapat ay manatili ang NPA sa kanilang mga kampo at walang coalition government.
Bukas din naman ang Pangulo sa localized peace talks pero hindi dapat mangibabaw ang mga rebelde sa lokal na pamahalaan at dapat ay sumusunod sa panuntunan na napagkasunduan ng cabinet security cluster.
Nabatid na kasama sa command conference sa Malacañang ang government peace panel at peace adviser secretary Jesus Dureza.