Manila, Philippines – Tuloy pa rin ang peace process ng pamahalaan sa kabila ng paulit-ulit na anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ng kanselasyon sa usapang pangkapayapaan.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, na patuloy ang kanilang back channeling ni OPAPP Secretary Jesus Dureza.
Kaugnay nito ay minaliit din ni Bello ang tinatawag ng AFP na Red-October kung saan layon na patalsikin si Pangulong Duterte sa kanyang pwesto.
Paliwanag ni Bello malabong magtagumpay ang naturang plano dahil napaka popular ng Pangulo.
Giit pa ng kalihim na inaasahang magbabalik sila sa negotiating table ngayong Oktubre kaya malabo aniyang mangyari ang naturang ouster plan.
Kasabay nito ay ibinunyag din ni Bello na inaasahang maglalabas ang Pangulo ng isang executive order (EO) patungkol sa localize peace talks sa bansa.
Tikom naman ang bibig nito sa magiging susunod na hakbang ng GRP negotiating panel sa oras na mailabas na ang kautusan para sa localized peace talks.
Minaliit din ni Bello ang patutsadahan nina Pangulong Duterte at Sison dahil aniya parehong gusto ng dalawa na mabigyan ng magandang buhay ang mga Pilipino.