Hindi sang-ayon si Philippine National Police (PNP) OIC Police Lieutenant General Vicente Danao Jr., sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng rebeldeng grupo.
Ito ay matapos ang pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa mga tauhan ng Police Regional Office 8, kung saan isang pulis ang nasawi habang nagsasagawa ng humanitarian activity sa Gandara, Samar nitong weekend.
Ayon kay Gen. Danao, binabalewala lamang ng mga rebelde ang karapatang pantao sa tuwing umaatake sila laban sa pulisya at mga sibilyan.
Nabatid na namamahagi lamang noon ng tulong ang mga kawani ng PNP sa mga mahihirap nating kababayan nang umatake ang mga rebelde.
Sa nasabing insidente nasawi si Patrolman Mark Monge.
Una nang sinabi ni National Security Adviser Clarita Carlos na ang deklarasyon ng amnestiya at ang posibleng peace talks ay nakadepende parin sa desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.