Usapin ng “child labor” sa Pilipinas, pinapatutukan ng isang kongresista

Hiniling ni House Committee on Labor and Employment chairman at Rizal Rep. Fidel Nograles sa gobyerno at iba’t ibang sektor na tutukan at lutasin ang isyu ng “child labor” sa Pilipinas.

Ikinabahala ni Nograles ang pagtaas ng bilang ng mga bata na naharap sa panganib dahil napilitang magtrabaho ng pumutok ang COVID-19 pandemic.

Tinukoy ni Nograles ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na noong 2021 ay umabot na sa 1.37 million ang “working children” na mula 5 hanggang 17 taong gulang kumpara sa 872,333 na mga bata sa kaparehong edad na nagtrabaho noong 2020.


Bunsod nito ay iginiit ni Nograles na dapat na nating matingnan kung sapat pa ba ang mga batas natin upang maitaguyod ang kapakanan ng mga bata kontra sa child labor.

Para kay Nograles, hindi lang ito usapin ng batas kundi nangangailangan ng multi-sectoral approach kung saan dapat magkakatuwang na umaksyon ang pamahalaan, ang pribadong sektor, academe, non-government organizations, at mismong mga komunidad.

Diin ni Nograles, ang mga bata, ay dapat nag-aaral at naglalaro at hindi nagtatrabaho, upang lumaki sila na kayang abutin ang rurok ng kanilang potensyal.

Facebook Comments