Diretsahang sinagot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang umano’y ill-gotten wealth o nakaw na yaman ng kanilang pamilya sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa isang panayam kay Pangulong Marcos sa Melbourne, Australia, iginiit nitong puro propaganda ang bintang sa kaniyang pamilya.
Sa katunayan aniya ay isa-isa nang naibasura ng korte ang mga kasong isinampa laban sa pamilya Marcos.
Paliwanag pa ng pangulo na wala silang dalang kahit na anomang bagay o pera noong in-exile ang kanilang pamilya sa Hawaii kaya walang katotohanan ang bintang na ill-gotten wealth.
Pumirma pa nga aniya ang kanilang pamilya ng quitclaims, kung saan sinasabi na anomang makukuha mula sa kanila ay mapupunta sa mga nag-aakusa.
Pinasinungalingan din ng pangulo ang pahayag ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na mayroong $5 billion na-recover sa kanilang pamilya na aniya ay propaganda dahil wala namang napatunayan sa mga imbestigasyon at korte.