Usapin ng same-sex marriage, pinagtalunan ng dalawang senador sa isinusulong na SOGIESC Bill

Naniniwala si Senate Majority Leader Joel Villanueva na isinusulong ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) Bill para bigyang daan o maitulak ang legalidad ng same-sex marriage sa bansa.

Agad namang kinontra ni Senator Risa Hontiveros ang paniniwalang ito ng senador at iginiit na hindi kasama sa inaprubahang committee report ng SOGIESC Bill ang probisyon para sa pagpapakasal.

Naunang inihayag ni Villanueva sa pulong balitaan na huwag nang maglokohan dahil aniya ang ‘bottomline’ umano ng mga nagsusulong ng panukala ay dahil same-sex marriage talaga ang gusto.


Dagdag pa ni Villanueva, hindi dahil ginagawa sa ibang bansa ay dapat na ring gawin ito sa Pilipinas at posibleng kalaunan ay sunod namang baguhin ang Family Code ng bansa.

Pagtatanggol naman ni Hontiveros sa SOGIESC Bill, hindi aniya aabutin ng 20 taon kung nakikipaglokohan lamang sila sa laban na ito.

Paglilinaw pa ni Hontiveros, walang nakasaad sa SOGIESC Bill na same-sex marriage, wala itong halong biro, walang ring punchline at higit lalo na wala itong chismis.

Hirit pa ni Hontiveros, ang batas ay nakabase sa bawat salita para maging tiyak at upang hindi maging malabo ang interpretasyon at nalalaman ito dapat ng isang mambabatas lalo na ng isang majority leader.

Facebook Comments