Usapin sa Charter Change, dapat isantabi muna sa pagdami ng kaso ng COVID-19 ayon sa isang kongresista

Nanawagan ang isang mambabatas na isantabi muna ang usapin sa Charter Change o Cha-Cha ngayong patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Camarines Sur Representative Luis Raymund “Lray’ Villafuerte, dapat munang pagtuunan ng Kamara ang pagtulong sa administrasyon.

Kabilang aniya rito ang pagpapatupad ng iba’t ibang programa sa kanilang mga nasasakupang distrito kagaya ng information drives ukol sa mga bakuna.


Paliwanag ni Villafuerte, sadyang nakaaalarma ang projection ng OCTA Research Group na posibleng umabot sa 10,000 hanggang 11,000 ang maiitalang bagong kaso kada araw pagsapit ng katapusan ng Marso.

Tila nababalewala rin aniya ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa dahil mas inuuna pa na maipasa ang Cha-Cha na hindi naman maituturing na prayoridad sa ngayon.

Matatandaang noong nakaraang linggo ay nagdeklara na rin ng lockdown sa Batasan Complex dahil sa patuloy na paglobo ng COVID-19 cases sa Metro Manila.

Facebook Comments