Usapin sa haba ng araw ng pagkakakulong bago kasuhan ang isang suspected terrorist, naging bungad sa oral arguments kaugnay ng anti-ATA petitions

Pinangunahan ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta ang ikatlong araw ng oral arguments sa Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act.

Unang sumalang sa pagtatanong ni CJ Peralta si Atty. Jose Manuel Diokno bago lumipat kay Cong. Edcel Lagman.

Ipinunto ni CJ Peralta ang posibilidad na lipas na sa panahon ang 36 na oras na itinatakda sa Article 125 na dapat makasuhan ang isang arestado.


Taliwas ito sa itinatakda ng Anti-Terrorism Act na 14 na araw maaaring ikulong ang isang tao na isinasangkot sa terorismo na walang isinasampang kaso.

Ito ay dahil na rin sa dami ng kailangang gawin ng mga pulis alinsunod sa mga proseso tulad nang pagdaan sa forensic investigation at ang epekto rin ng trapiko.

Sinagot naman ito ni Cong. Lagman sa pagsasabing iba ang sitwasyon noon na kakaunti ang krimen maging ang mga pulis na hindi tulad ngayon na marami nga ang krimen at ma-traffic pero marami rin ang mga pulis na ginagastusan ng bilyong piso ng gobyerno.

Iginiit naman ni Lagman na hindi mahabang panahon ng pagkulong ang kailangan kundi ang isang consistent na intelligence at propesyunal na puwersa ng pulisya.

Sa pagtatanong naman ni Justice Alfredo Benjamin Caguioa kay Atty. Neri Colmenares, kinumpirma ni Colmenares na napasama na rin siya sa red-tagging ng militar kung daan kabilang aniya sa naging sentro ng surveillance.

Kinontra naman ni Justice Amy Lazaro-Javier si Atty. Evalyn Ursua sa akusasyon nito na aniya’y tila nakikinabang na nang husto ang intelligence agents sa malaking budget ng mga ito.

Ayon kay Justice Javier, hindi dapat nagbibitaw ng katulad na alegasyon si Ursua dahil confidential ito.

Sumagot naman si Ursua na ito ay nasa public record.

Facebook Comments