Usapin sa umento sa sahod, kailangang maingat na pagpasyahan

Para sa mga kongresista, kailangang lubos na maging maingat sa pagpapasya kaugnay sa mga panukala upang itaas ang minimum wage para mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ayon kay House Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II, isang masusi at maingat na pag-aaral ang dapat gawin sa mga implikasyon na idudulot ng legislated wage increase.

Sabi ni Gonzales, hindi rin dapat paasahin ang mga manggagawa sa wage hike na hindi naman pala kakayaning maipagkaloob ng mga employer.


Giit ni Gonzales, kailangang ibalanse ang wage hike sa pagitan ng mga sumusweldo at saka sa nagpapasweldo upang hindi magbunga ng tanggalan sa trabaho.

Paalala naman ni ANAKALUSUGAN Party-list Rep. Ray Reyes, kailangang ikonsidera kung kakayanin ng MSMEs o micro, small and medium enterprises na magbigay ng dagdag na sahod habang patuloy din ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Binigyang diin naman ni Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario na hindi tutol ang Kamara sa wage hike dahil batid nilang kailangan din talaga ng dagdag na kita ng mga Pilipino lalo na yaong kakarampot ang kinikita.

Facebook Comments