Kumpiyansa ang mga eksperto na mareresolba na ang lahat ng mga isyu sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ngayong naka-upo na sa pwesto si US President Joe Biden.
Sa interview ng RMN Manila kay UP Political Analyst Prof. Clarita Carlos, nasa kamay ngayong ng pamahalaan ang desisyon at dapat gawin para maayos ang ilang gusot sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Partikular na tinukoy ni Carlos ang pagtapos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Visiting Forces Agreement ng Amerika noong Feb. 2020 matapos ang pagkansela ng Estados Unidos sa visa ni Sen. Ronald Dela Rosa dahil sa isyu ng human rights violation.
Bagamat sinuspende ng Pangulo ang VFA, pinalawig naman ang termination process nito hanggang sa ngayon.
Kasabay nito, inihayag ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na isang bilateral dialog sa pagitan ng dalawang bansa ang ikinakasa upang maresolba ang usapin sa VFA.
Binigyan diin ng opisyal na tuloy-tuloy rin ang security relation ng Amerika at Pilipinas kung saan tinyak ni Romualdez na patuloy na kikilalanin ng Biden Administration ang arbitral award na napanalunan ng bansa sa claims nito sa West Philippine Sea.