Umarangkada na muli ang pakikipagnegosasyon ng Pilipinas at China hinggil sa pagpondo ng Tsina sa ilang railway projects ng bansa.
Ito ang kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) kasunod ng pakikipagpulong ng kagawaran kay Chinese Ambassador Huang Xilian noong Huwebes sa Chinese Embassy.
Ayon sa DOTr, tinalakay sa pagpupulong na pondohan muli ng Tsina ang ilang major railway projects katulad ng PNR South Long Haul Project o ang North-South Commuter Railway, Subic-Clark Railway at ang Mindanao Railway.
Maliban dito ay napag-usapan din ang ilang maritime cooperation projects partikular ang hotline communication at legal affairs cooperation arrangements sa pagitan ng Philippine Coast Guard (PGC) at China Coast Guard (CCG).
Mababatid na nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na bubuhayin muli ang loan deals matapos mag-wtihdraw ang Chinese government kasunod ng pagtapos ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.