Tagapagsalita pa rin ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy at Southern Luzon Command (SOLCOM) Commander Lt. Gen. Antonio Parlade.
Sa isang pahayag, nilinaw ni Usec. Badoy na hindi sila pinatigil ni National Security Adviser Hermogenes Esperon sa kanilang trabaho bilang tagapagsalita ng grupo.
Partikular na utos aniya ni Esperon ay huwag nang magsalita tungkol sa community pantry ngayong nailabas na nila ang kanilang mensahe.
Bilang mabubuting sundalo, sinabi ni Badoy na susunod sila sa utos ni Esperon.
Ngunit patuloy pa rin aniya nilang gagampanan ang kanilang tungkulin na ilantad ang dapat malaman ng publiko kaugnay sa mga aktibidad ng CPP-NPA.
Matatandaang naging kontrobersyal ang NTF-ELCAC makaraang magbabala ang mga tagapagsalita nito na posibleng ginagamit ng ilang mga grupo para sa kanilang sariling agenda ang mga community pantry sa iba’t ibang panig ng bansa.