Usec. Cesar Chavez, manunumpa bilang Acting Secretary ng PCO ngayong hapon

Nakatakdang manumpa mamayang alas-2:00 nang hapon si Usec. Cesar Chavez bilang bagong Acting Secretary ng Presidential Communications Office (PCO).

Ito ang kinumpirma ni Chavez sa DZXL News.

Si Chavez ay ang kasalukuyang Presidential Assistant for Strategic Communications sa ilalim ng Office of the President.


Bago manilbihan sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nagsilbi si Chavez bilang Deputy Administrator ng Light Rail Transit Authority (LRTA) at Undersecretary-designate for Rails sa Department of Transportation (DOTr) sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Naging miyembro din ito ng Board of Directors ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Si Chavez ay kasalukuyang nagpoprograma sa DZRH, at naging station manager din ng nasabing istasyon.

Ito na ang ikatlong beses na nagtalaga si Pangulong Marcos ng kaniyang PCO Secretary.

Samantala, may mga ulat din na ililipat ng pwesto si outgoing PCO Sec. Cheloy Garafil bilang Chairperson ng Manila Economic and Cultural Office o MECO sa Taiwan at sabay silang manunumpa ni Chavez ngayong hapon.

Pero sa mga oras na ito ay wala pang kumpirmasyon ang Palasyo tungkol dito.

Facebook Comments