Usok sa mga drainage sa isang subdibisyon sa North Caloocan, hindi pa matukoy kung ito ay mula sa chemical leak

Sinuyod ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang isang subdibisyon sa Bagbaguin, Caloocan City dahil sa hinalang mayroong chemical leak sa kanilang lugar.

Ayon kay Brgy. Bagbaguin, Caloocan City Administrator Mar Reginio, amoy kemikal ang inirereklamo ng mga residente na ilang araw na raw nilang naaamoy sa bungad ng Gremville Subd.

Sa ginawang pagsisiyasat ng tauhan ng BFP sa lugar, sinabi ni Fire Major Ely Timuat, ang Ground Commander ng BFP CAMANAVA District na nagtungo sa lugar, hindi pa matukoy kung kemikal nga ang naamoy ng mga residente.


Ginalugad na rin ng BFP personnel ang isang malawak at malalim na creek at pinasok ang bahagi na may malaking imburnal sa ilalim.

Bagama’t amoy na nasusunog na mga plastic, kahoy, ang inisyal na naamoy ng mga tauhan ng BFP, hindi pa rin nila inaalis ang posibilidad na mula ito sa isang kemikal.

Sa ngayon ay nagtalaga na ng mga tauhan si Major Timuat sa Gremville Subdivision para i-monitor ang lugar at upang mapanatag ang kalooban ng mga residente.

Facebook Comments