UST Faculty Union, nagpasaklolo na sa DOLE sa isyu ng hindi magkasundong Collective Bargaining Agreement sa sahod at benepisyo

Dumulog na sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang UST Faculty Union matapos na hindi pa rin magkasundo kaugnay sa hiling na umento sa sahod at benepisyo ng mga manggagawa.

Ngayong hapon ng Martes nang magtungo ang mga kinatawan ng USTFU sa DOLE upang hilingin sa National Conciliation and Mediation Board na maaksyunan na.

Naghain ang faculty union ng notice of strike sa DOLE-National Conciliation and Mediation Board para ibabala ang posibleng pagsasagawa ng strike sakaling mabigo ang kagawaran na mapagkasundo ang dalawang partido.


Partikular na hinihiling ng unyon ang hindi pa pagbibigay ng back pay ng 1,400 empleyado ng UST Faculties simula pa noong 2020 hanggang ngayong 2025 mula sa kabuuang P220 million na share mula sa serye ng tuition fee increase.

Alinsunod sa RA 6728 at CHED Memorandum Order No. 8 Series of 2012, nakasaad na 70 porsyento ng makukuha mula sa dagdag singil sa matrikula ay dapat ilaan para sa sahod at benepisyo ng mga teaching at non-teaching personnel.

Samantala, sa isang pahayag, sinabi ng UST na mananatili silang committed sa pagkakapantay-pantay, transparency at pagsunod sa batas at patuloy na makikipag-usap sa USTFU para maisapinal ang isang naaayon na Collective Bargaining Agreement.

Facebook Comments