Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian sa pamunuan ng University of Santo Tomas o UST na manguna sa pagsusulong ng hustisya para sa freshman law student nito na si Horacio Tomas Castillo na namatay sa hazing.
Base sa reports, si Castillo ay namatay sa “welcoming rites” ng Aegis Juris Fraternity at ang katawan nito ay inabandona lang sa gilid ng kalye sa Tondo, Maynila.
Ikinatwiran ni Gatchalian, na ang sinalihang fraternity ni Castillo ay kinikilala o accredited na student organization ng UST.
Bunsod nito ay iginiit ni Gatchalian na responsibilidad ng UST na tiyaking mapaparusahan ang nasa likod ng pagkamatay ni Castillo.
Kaugnay nito ay inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 199 na mag-aamyenda sa RA 8049 o Anti-hazing Law na pinaiiral noon pang 1995.
Layunin ng panukala ni Gatchalian na matapalan ang mga kahinaan o butas sa umiiral na Anti-Hazing Law para matiyak na mapaparusahan ang lalabag dito.
Sa panukala ni Gatchalian ay mas lalawakan pa ang saklaw ng hazing at pabibigatin din ang kaparusahan sa mga masasangkot dito.
Binibigyan din ng panukala ni Gatchalian ng responsibilidad ang mga educational institutions para mapigilan na mabiktima ng hazing ang kanilang mga estudyante.