Manila, Philippines – Kinukondena nila Ako Bicol Reps. Alfredo Garbin at Rodel Batocabe ang panibagong kaso ng estudyanteng namatay dahil sa hazing.
Kinilala ang biktima ng hazing na si Horacio Castillo III, 22 anyos, 1st year UST Law student.
Giit ng mga kongresista, panahon na para higpitan ang parusa sa ilalim ng RA 8049 o Anti-Hazing Law.
Dahil dito, pinaaaksyunan nila Garbin at Batocabe, mga may-akda ng House Bill 3731, na aprubahan na ang kanilang panukala na naghihigpit sa parusa sa mga sangkot sa hazing.
Sa ilalim ng panukala ng aamyendahang batas, mahaharap sa reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo ang mga indibidwal na sangkot sa pananakit na nagresulta sa pagkamatay ng myembro, panggagahasa o nagdulot ng mutilation o serious damage sa biktima.
Ituturing na rin na aggravating circumstances o mga kasabwat ang mga hindi myembro ng fraternity pero naroon sa oras na isinagawa ang hazing na ikinasawi ng biktima.
Dagdag pa ng mga mambabatas, dapat ng amyendahan ang batas dahil ito ay alinsunod na rin sa rekomendasyon ng korte suprema sa Lenny Villa case.