Lumalabas sa isang pag-aaral sa Amerika na hindi lamang baga o lungs ang pinupuntirya ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon sa mga eksperto mula sa Yale University, maaaring maapektuhan din ang utak ng isang tao na positibo sa COVID-19 kung saan magdudulot ito ng malalang impeksyon.
Pinupuntriya rin ng virus ang mga malulusog na cells ng tao para magawa nilang dumami sa pamamagitan ng pag-agaw sa oxygen at kapag namatay ang brain cells, magdudulot ito ng kumplikasyon sa central nervous system.
Base naman sa pag-aaral ng John Hopkins University, ilan sa sintomas na nararanasan ng COVID patient ay delirium, confusion at pagkahilo kung saan ilan sa kanila ay walang history ng mental illness.
Sa kabila nito, hindi pa masabi ng mga eksperto kung paano nakakarating sa utak ang virus pero sa tingin nila ay maaari itong pumasok sa ilong, mata o kaya sa dugo.
Samantala, maglalabas ang World Health Organization (WHO) ng protocol sa testing ng African herbal medicines para masigurong ligtas at epektibo ito panlaban sa COVID-19.
Isang panel naman ng mga eksperto na binubuo ng WHO, Africa Centre for Disease Control and Prevention at African Union Commission for Social Affairs ang pumayag sa inilatag na protocols at handa na ring isagawa ang phase 3 ng clinical trial sa nasabing traditional medicines.