Utak sa Pagpatay sa Dating Bise Mayor ng Jones, Hinatulang Guilty!

Jones, Isabela – Guilty ang naging hatol sa tatlong suspek sa pamamaslang sa dating Vice Mayor ng Jones dito sa Lalawigan ng Isabela.

Ito ang lumabas sa ginawang promulgation of sentence ng RTC Branch 24 sa ilalim ni Judge Bonifacio Ong na nakabase sa Echague, Isabela kaninang alas diyes ng umaga ngayong araw, Abril bente, dos mil disi otso.

Magugunitang noong ika-labing siyam ng Hunyo, taong dalawang libo’t labing lima ay pinagbabaril mismo sa loob ng munisipyo ng Jones, Isabela si Bise Mayor Florante Raspado ng mga suspek na tumakas sa pamamagitan ng isang get-away car na pulang Mitsubishi adventure.


Nakorner ang mga suspek matapos silang makipagbarilan noon sa kapulisan sa karatig lalawigan ng Quirino at nakumpiska sa kanila ang kanilang get away.

Nakilala na ang mga suspek sa naturang pangyayari na sina retired Colonel Reynaldo Tapia at dalawa niyang kasamahan na sina Michael Deocariza at Victor Funtilara.

Isinailalim sa paglilitis ang tatlo sa RTC Branch 24 sa Echague Isabela sa ilalim ni Judge Bonifacio Ong.

Sa panayam ng DWKD RMN Cauayan sa tagapagsalita ng pamilya Raspado na si Konsehal Junior Vallejo ay kanyang sinabi na bunga ito ng kanilang pananalig sa maykapal upang makamit ang inaasam nilang hustisya.

Naging emosyonal naman ang pamilya sa pagbabor ng korte sa kanila sa ibinabang sentensiya sanhi ng kanilang paniwala sa simula pa lamang na nagawa nilang mapatunayan na ang tatlong suspek ang siyang gumawa ng naturang pagpatay.

Nagpasalamat din si Vallejo sa hanay ng kapulisan sa pagsisilbi din nilang witness sa mga hearing na naganap ukol sa kasong ito.

Facebook Comments