Kinontra ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ‘manageable’ at hindi dapat ikabahala ang utang ng bansa.
Ayon kay Pimentel, dahil sa utang ng bansa ay matagal na siyang hindi nakakatulog at kailangan aniyang tutukan ito ng pamahalaan.
Para sa senador, kailangang i-monitor ang utang dahil minsan nang bumaba ang “debt to GDP ratio” sa 39% pero sa isang pandemya lang ay bigla itong umakyat sa 63%.
Pinayuhan din ni Pimentel si Diokno na sa halaga ng utang tumingin at huwag sa ratio dahil ang numero aniya ang tunay na utang ng bansa.
Sinopla rin ng mambabatas ang pahayag ni Diokno na malalagpasan ng bansa ang pagkakautang dahil kung ganito aniya ang sinasabi ay bakit hindi ito naipapakita at naipaparamdam sa publiko na bumaba ang utang sa pagtagal ng panahon.
Ang utang aniya ng bansa ay nasa P13 trillion at maaari pang tumaas sa P14 trillion sa katapusan ng taon.