Ibinabala ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na posibleng tumaas pa ng higit P15 trillion ang utang ng bansa sa susunod na taon.
Sa budget briefing sa Senado, tinanong ni Pimentel ang economic managers kung bakit hindi dapat mag-alala ang mga Pilipino sa lumulobong utang gayong lumulobo rin ang dapat na bayarang principal na utang at ang mga dapat pang bayaran.
Nangangamba si Pimentel na dahil sa mabilis na pagtaas ng halaga ng national debt ay hindi malabong umabot ng P15.8-T ang utang ng bansa hanggang sa katapusan ng 2024.
Kapag nangyari ito, tumataginting na P141,000 ang magiging utang ng bawat Pilipino.
Sinabi rin ng senador na delikado na ang sitwasyon dahil ang isang household o isang pamilya ay baon na pala sa utang.
Aniya, ang magandang patunay na wais ang paggastos ng pamahalaan sa mga inuutang ay kung magagawa na maibaba ang mismong halaga ng utang ng bansa.
Para sa taong 2024, nagtabi na ang pamahalaan ng P1.9-T sa ilalim ng 2024 budget na pambayad para sa debt principal at interes.
Ipinunto naman ni Pimentel na ang naturang pambayad sa utang ay katumbas ng 32.94 percent ng budget para sa susunod na taon.