Pinahahabol ni Public Services Committee Chair Senator Grace Poe sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ang iniwan na utang sa buwis ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm na bigla na lang nagsara at naglahong parang bula noong kasagsagan ng pandemya.
Ayon kay Poe, dapat na kumilos ang BIR sa pakikipagtulungan sa PAGCOR para makolekta ang P2.2 billion unpaid dues ng naturang POGO.
Aniya, kung ang naturang POGO ay isang lehitimong kompanya ay mas lalong dapat na may paraan ang mga regulators na matunton ito at mapilit na pagbayarin sa kanilang iniwang obligasyon sa bansa.
Giit ng senadora, hindi lang nagdadala ng gulo kundi nagnanakaw pa sa kaban ng bayan ang mga POGO.
Sinabi pa ni Poe na may ilang nagtatanggol sa financial benefits na dala ng POGO kaya dapat manatili ito sa bansa gayong mayroon palang napakalaking P2.2 billion na hindi nabayarang buwis.
Umaasa si Poe na bunsod ng mga gulo, krimen at utang na iniiwan ng POGO sa bansa ay makakapagdesisyon na ang Marcos administration tungkol dito.
Giit ni Poe, kung hindi lang din magagawa ng pamahalaan na mapasunod ang mga POGO sa batas at regulasyon ng bansa ay dapat nang umalis ang mga ito sa bansa.