Nangako si Manila Mayor at Aksyon Demokratiko Presidential Aspirant Isko Moreno Domagoso na isusulong niya ang batas na nagpapawalambisa sa pagkakautang ng mga magsasakang nasa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program O CARP.
Ito ay batay na rin sa panukalang batas na inihain ni Senate Pro Tempore Ralph Recto na naglalayong magbigay ng amnestiya sa pautang sa mga magsasakang benepisyaryo ng CARP.
Ayon kay Mayor Isko, kung mawawala ang utang ng mga magsasaka ay mas gagaang ang pasanin ng mga ito at maituturing na ang mga agrarian reform beneficiaries ang nagmamay-ari ng lupa.
Sinabi ng kuwarenta’y siyete anyos na presidential aspirant na madali nang mahanapan ng pantapal ang maluluging pitumpu’t limang bilyong piso sa gobyerno kumpara sa mahigit pitong daang bilyong pisong nawawala sa kaban ng gobyerno dahil sa korupsyon.
Aniya, ang Land bank of the Philippines, na isang Government-Owned and Controlled Corporation ang siyang namamahala sa pautang sa mga magsasakang nasa ilalim ng CARP.
Bahagi ng 10-point bilis kilos economic agenda ni Moreno ang pagtulong sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.