Utang ng PhilHealth sa Philippine Red Cross, muling lumobo sa higit P600 milyon

Muling lumobo sa higit P623 million ang utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Philippine Red Cross (PRC).

Ayon kay PRC Chairman Senator Richard Gordon, malaki ang epekto ng hindi agad pagbabayad ng utang sa kanila ng PhilHealth.

Inilarawan ni Gordon bilang ‘moving target’ ang kanilang utang kung saan ay patuloy pa itong nadadagdagan sa halip na mabawasan.


Aniya, nais nilang ibalik ang orihinal na kontrata sa PhilHealth kung saan P100 milyon lamang ang dapat na maging utang ng ahensya para hindi sila malagay sa alanganin.

Hinimok din ng PRC na bayaran na ng PhilHealth ang kanilang balanse dahil nabatid na halos P25 milyon ang gastos ng ahensya kada araw para sa COVID-19 testing.

Matatandaang itinigil noon ng PRC ang kanilang COVID-19 testing matapos hindi mabayaran ng PhilHealth ang utang nito na pumalo sa higit isang bilyong piso.

Facebook Comments