Pinayuhan ng Philippine Red Cross (PRC) ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na bayaran ang kalahati ng utang nito sa organisasyon.
Nabatid na nasa P715 million pa ang utang ng ahensya sa PRC para sa mga isinasagawa nitong COVID-19 test.
Sa interview ng RMN Manila, nagbabala si PRC Chairman at Senator Richard Gordon sa PhilHealth na kung hindi ito makakabayad ay mapipilitan siyang itigil muli ang testing.
Hangga’t maaari aniya ay ayaw niyang ihinto ang testing lalo ngayon na tumataas na naman ang kaso ng COVID-19.
“Ito masakit, ang utang samin ng PhilHealth ay nasa P715 million pa, tumaas na naman. Nagbabayad sila 30, 40 million pero yung test natin ngayon, umaabot ng 6,000… 5,000, so patong nang patong, lumalaki nang lumalaki kaya sabi ko kailangan magbayad kayo ng kalahati, baka mapatigil na naman tayo niyan,” pahayag ng senador.
Kasabay nito, kinuwestyon ni Gordon ang mabagal na aksyon ng gobyerno para maisama ang saliva testing sa PhilHealth COVID-19 testing package.
“Kung ikaw ang gobyerno, hindi ba dapat ang bayaran mo yung 2,000 hindi yung 3,400? Ang saliva test, PCR din yan, valid yan.”
Samantala, a-araw-arawin na ng PRC ang pagbabakuna oras na dumating sa bansa ang bulto ng mga COVID-19 vaccines.
Ayon kay Gordon, bubuo sila ng medical corps kung saan target ng PRC na makahikayat ng mas maraming doktor, nurse, student doctors at nurses, dentist at veterinarians na marunong magturok para maging kanilang volunteers.