
Pumalo na sa P16.92 trillion ang kabuuang halaga ng utang ng Pilipinas hanggang nitong pagtatapos ng buwan ng Mayo.
Mas mataas ito ng P166.20 billion o halos 1% mula noong natapos ang buwan ng Abril.
Ayon sa Bureau of Treasury (BTr), naging bahagya lamang ang pagtaas dahil sa matagumpay na net issuances ng mga bagong domestic securities na nagresulta sa kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa bansa at paglakas ng ekonomiya.
Nakaapekto rin daw dito ang paglakas ng piso na nakapagpababa sa halaga ng ating utang panlabas.
Sa ngayon, nasa P11.8 trillion ang itinuturing na domestic debt na bahagyang tumaas ng P189.6 billion.
Aabot naman sa P5.14 trillion ang external debt o utang panlabas na mas mababa dahil sa ilang mga binayaran na at paglakas ng piso kontra dolyar.









