UTANG SA MGA LENDING COMPANIES, LAGANAP NA PROBLEMA SA BRGY. SILLAWIT, CAUAYAN CITY

Cauayan City – Laganap ngayon sa Barangay Sillawit, Cauayan City, Isabela ang patung-patong na utang ng ilang residente sa mga lending companies.

Sa panayam ng IFM News Team, kay Brgy. Kagawad Luzviminda R. Mauricio, umaabot mula P10,000 hanggang P30,000 ang utang ng bawat residente sa isang lending company. Kadalasan pa ay hindi lang isa kundi tatlo o higit pang institusyon ang inuutangan ng mga kabarangay.

Aniya, madalas na dumudulog sa barangay hall ang mga staff ng lending companies upang ireklamo ang mga hindi nababayarang utang. Nanghihingi umano sila ng tulong sa barangay upang mahabol ang mga may utang sa kanilang kompanya.

Ipinaliwanag ni Kagawad Mauricio na hindi na bago sa kanila ang ganitong mga reklamo at may dumarating na kinatawan mula sa mga lending company para maghain ng reklamo laban sa mga residente.

Bilang tugon, pinaaalalahanan ni Kagawad Mauricio ang kanyang mga kabarangay na maging responsable sa kanilang pinansyal na obligasyon at sinabing kung maari ay iwasan na ang pag-utang lalo na kung hindi kayang bayaran.

Narito ang naging pahayag ni Barangay Kagawad Luzviminda R. Mauricio sa kanyang kabarangayan.

Facebook Comments