Iginiit ng Kabataan Partylist na maimbestigahan kung papaano ginastos ng pamahalaan ang mga utang para sa pantugon sa pandemya.
Lubog na lubog na umano sa utang ang bansa na dumoble pa sa ilalim ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Punto ng Kabataan Partylist, bago mag-isip ng panibagong buwis na ipapataw sa mga Pilipino para pambayad ng utang ay dapat na malaman muna kung saan inilaan ang inutang para sa COVID-19 pandemic.
Hindi dapat ipasa ang panibagong pasanin sa mamamayan kung ang bahagi naman ng inutang ay napunta pala sa bulsa ng ilan at hindi napakinabangan ng mga Pilipino.
Inirekomenda ng grupo na humanap ng ibang revenue sources ang gobyerno sa halip na mga manggagawa at mga mahihirap ang paghugutan ng buwis para pambayad ng utang.
Ilan sa iminungkahi ng grupo na maaaring gawin ng pamahalaan para makabayad sa utang sa pandemya ay pagpapataw ng wealth tax sa mga milyonaryo at bilyonaryo sa bansa at ang pagsingil sa P203 billion na pagkakautang na buwis ng pamilyang Marcos.