Utility Worker, Tinamaan ng Ligaw na Bala!

Santiago City, Isabela- Isinugod sa Southern Isabela General Hospital ang isang utility worker matapos tamaan ng ligaw na bala noong Enero 23, 2018 sa Brgy. Rosario, Santiago City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Jessa Lanuza, 22 taong gulang at residente ng Purok 6, Baluarte, Santiago City, Isabela.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Station 2 Santiago City, nakikipagkwentuhan lamang umano ang biktima sa kanyang mga katrabaho sa loob ng canteen ng makarinig ng putok ng baril.


Nakaramdam na lamang umano ng kirot sa kanang hita ang biktima at nakita na lamang ang umaagos na dugo mula sa kanyang hita.

Agad namang itinakbo ng isang Security Guard sa pagamutan ang biktima at narekober mula sa kanyang hita ang isang bala ng hindi pa matukoy na uri ng baril.

Patuloy namang iniimbestigahan ng kapulisan ang nasabing insidente.

Facebook Comments