Hinikayat ni Deputy Speaker at Antique Rep. Loren Legarda ang House Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability na silipin din ang utilization sa 2017 at 2018 na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ilalim ng General Appropriations Act.
Ayon kay Legarda, siya ang nag-sponsor sa Senado ng P3 billion na pondo ng PhilHealth noong 2017 at P3.5 billion naman noong 2018.
Hindi aniya makatarungan ang maling paggamit ng pondo ng PhilHealth lalo pa sa panahon ngayon ng pandemic na nakasalalay ang kalusugan ng publiko.
Nanawagan din si Legarda sa dalawang komite na busisiing mabuti kung saan napunta ang pondong inilaan ng gobyerno sa PhilHealth.
Malinaw aniya na ang ginawang budget augmentation sa ahensya ay para sa lahat ng mga Pilipino kabilang ang mga hindi pa naka-enroll sa state health insurer, mga walang trabaho, at mga “financially incapable” na makapagbayad ng sariling membership contribution.
Umaasa ang kongresista na magiging daan ang imbestigasyon ng Kongreso sa PhilHealth para sa reporma ng institusyon, pagpapanagot sa mga may sala at pagpigil na maulit ang ganitong katiwalian sa hinaharap.