Manila, Philippines – Kinumpirma ni Internal House Affairs Office Director Jhopee Avanceña na ang palasyo na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbigay ng utos na limitahan ang kilos ng Rappler.
Ayon kay Avanceña, ibinigay ng pangulo ang utos habang nag-uusap sila noong Lunes ng gabi tungkol sa fake news.
Nilinaw naman ni Presidential Spokesman Harry Roque, na papayagan pa ring mag-cover sa palasyo ang Rappler pero hindi bilang miyembro ng Malacañang press corps.
Samantala, sa isang pahayag nanawagan ang Rappler sa Malacañang na huwag gamitin ang kapangyarihan para harangin ang anumang impormasyon at manggipit.
Iginiit ng Rappler na hindi maaaring kanselahin ang kanilang media accreditation batay lang sa desisyon ng Securities and Exchange Commission lalo’t nakaapela pa sa Court of Appeals ang kaso.