Utos ng DILG na inventory sa sister city agreements sa China, sinuportahan ng West Philippine Sea Bloc ng Kamara

Umani ng suporta mula sa mga kasapi ng West Philippine Sea Bloc ng Kamara ang utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsagawa ng “inventory” sa sister city agreements sa China.

Ayon kay Mamamayang Liberal PL Rep. Leila de Lima, ang deriktiba ng DILG ay umaayon sa inihain nilang House Resolution 39 na humihimok na silipin ang sister city arrangements na pinasok ng ilang lokal na pamahalaan sa China.

Diin ni De Lima, ito ay para matiyak na walang kasunduan sa pagitan ng China at mga Local Government Unit (LGU) na maglalagay sa kompromiso sa ating pambansang intres at seguridad.

Para naman kay Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña magandang balita ang kautusan ng DILG na na-tiempo din sa anibersaryo ng ating tagumpay sa arbitral tribunal.

Kaugnay nito ay hinikayat din ni Cendaña ang mga kasamahang mambabatas at mamamayan na suportahan ang isinusulong nila na ideklara ang July 12 bilang National WPS Victory Day gayundin ang pagtuturo ng WPS history and geography sa mga paaralan.

Facebook Comments